Agosto 12, 2025
SEATTLE —Naglunsad ang Washington ng pasinayang hotline para sa mga hate crime at bias incident sa tatlong county sa buong estado. Ayon sa Federal Bureau of Investigation (FBI, Pederal na Kawanihan ng Pagsisiyasat), isa ang Washington sa nangungunang limang estadong may pinakamaraming ulat ng hate crime mula noong 2018. Ang hotline na hindi pang-emergency ay nagbibigay sa mga tao sa Clark, King, at Spokane county ng alternatibong paraan upang makapagsumbong ng mga hate crime o bias incident.
Ang mga hate crime at bias incident ay may masaklap at matagalang epekto sa mga indibidwal, pamilya, at komunidad, na nagbibigay sa mga tao ng pakiramdam na hindi sila tinatanggap o hindi sila ligtas kung saan sila naninirahan. Tutulungan ng mga kawani ng hotline na makahanap ang mga tumatawag ng mga lokal na serbisyong pansuporta na akma sa kultura, nakasentro sa biktima, at may kaalaman sa trauma at, kung papayag ang tumatawag, puwede rin silang tumulong na mag-ulat ng mga insidente sa lokal na alagad ng batas.
Matatawagan ang hotline sa 1-855-225-1010. Ang sinumang gustong mag-ulat ng hate crime o bias incident sa tatlong pasinayang county ay puwede ring bumisita sa atg.wa.gov/report-hate.
Nilikha ng Legislature (Lehislatura) ang hotline noong 2024 nang pinagtibay nito ang Senate Bill (Panukalang-batas sa Senado) 5427 (English) na may suporta mula sa dalawang partido. Nangailangan ang panukalang-batas ng pasinayang programang pinamamahalaan ng Attorney General’s Office (Tanggapan ng Punong Abogado), para sa hotline sa tatlong county sa estado ng Washington — kabilang na rito ang isang nasa silangang Washington. Pinili ang tatlong county batay sa mga datos ng hate crime na nasa Annual Crime Report (Taunang Ulat ng Krimen) ng Washington Association of Sheriffs and Police Chiefs noong 2023 at sa demograpiya ng mga county.
Mananatiling aktibo ang pasinayang programa sa loob ng isa't kalahating taon, pagkatapos ay ilulunsad ang hotline sa buong estado sa Enero 2027. Ang mga hate crime at bias incident ay hindi sapat na naiuulat noon pa man, at limitado ang datos tungkol sa paglaganap ng mga ito. Simula Hulyo 1, 2027, gagawa ang Attorney General’s Office ng taunang ulat na maglalarawan sa mga datos na makokolekta mula sa mga ulat sa hotline para sa gobernador, Legislature ng estado, at publiko hinggil sa mga hate crime at bias incident.
“Hindi lang direktang nakakapanakit ang mga hate crime sa mga indibidwal pero puwede ring makapanakit ang mga ito sa buong komunidad,” sabi ng Attorney General na si Nick Brown. “Ang tagumpay sa tatlong county na ito ay makatutulong upang mapalawak pa natin ang hotline sa buong estado at maunawaan nang mas mabuti kung paano lalabanan ang mga hate crime at bias incident sa iba't ibang panig ng Washington.”
Inialok ng mga miyembro ng grupong tagapayo at mga lokal na opisyal ang mga sumusunod na pahayag tungkol sa paglunsad ng pasinayang hotline:
“Nagsagawa kami ng mahalagang hakbang noong 2019 nang binago namin ang ating mga batas sa hate crime — pero sa pagdami ng mga hate at bias incident, lumalabas na marami pa tayong dapat gawin,” sabi ni Senador Javier Valdez, D-Seattle, na isponsor ng lehislasyong lumikha sa hotline. “Kaya naman, mahalaga ang hotline na ito. Hindi lang ito tungkol sa patakaran — kundi tungkol din ito sa mga tao. Tungkol ito sa pagsigurong napakikinggan at nasusuportahan ang bawat biktima.”
“Sa panahon kung kailan napaiigting ng mapang-atakeng pederal na administrasyon ang makitid na pananaw laban sa mga bulnerableng komunidad, marami sa King County ang namumuhay nang may pangamba at kawalan ng katiyakan,” sabi ng Tagapangulo ng King County Council na si Girmay Zahilay. “Ipinagmamalaki kong makiisa sa inisyatibang ito ng Attorney General’s Office at nagpapasalamat ako sa mga pinuno ng komunidad na may naiambag para sa paglunsad na ito. Kung sama-sama, patuloy tayong magkakaisa laban sa hate.”
“Tanggap ng Spokane ang paglunsad ng bagong Hate Crimes & Bias Incidents Hotline (Linyang Matatawagan para sa mga Krimeng Dulot ng Poot at Insidente ng Pagkakaroon ng Kinikilingan) at ipinagmamalaki nitong maging isa sa tatlong orihinal na lokasyong susubok dito,” sabi ng Alkalde ng Spokane na si Lisa Brown. “Ang ating Office of Civil Rights, Equity, and Inclusion (Tanggapan ng mga Karapatang Sibil, Ekidad, at Ingklusyon) ay nakipag-ugnayan sa team ng Attorney General sa kabuoan ng pag-develop nito, at nakikita namin ito bilang mahalagang kasangkapan upang mapabuti ang proseso ng pagsusumbong at pag-uulat, at matiyak ang pagkakaroon ng pananagutan sa buong komunidad.”
“Ipinagmamalaki ko na pinangungunahan ng Spokane county ang pagpapasinaya sa programa ng Hate Crimes Hotline,” sabi ng Komisyoner ng Spokane County na si Amber Waldref. “Umaasa ako na makalilikha ang kasangkapang ito ng bagong oportunidad upang makapagsumbong ang mga residente ng mga posibleng hate crime upang matiyak ang kaligtasan at seguridad ng lahat sa ating komunidad.”
“Mahalagang hakbang ang hotline na ito upang matiyak na ligtas ang pakiramdam ng mga tao sa pagsusumbong ng mga hate crime,” sabi ng Clark County Sheriff na si John Horch. “Gusto naming malaman ng lahat sa aming komunidad na mahalaga ang kanilang tinig, at may nakalaang tulong.”
“Dumanas ng mga hate crime at bias incident ang komunidad ng Asian, Native Hawaiian, at Pacific Islander sa loob ng daan-daang taon, at dumami pa ito noong kasagsagan ng pandemya,” sabi ni Thanh Tran, katuwang na tagapangulo ng HAPPEN Business Resource Group. “Patuloy na nangyayari ang mga insidenteng ito araw-araw, na bihirang mabanggit o hindi nababanggit sa mainstream na balita. Umaasa ako na mahihikayat ng hotline na ito ang mga biktima na isumbong ang mga insidenteng ito upang mabigyang-kakayahan natin ang komunidad at makamit natin ang katarungan at paghilom.”
“Napakahalaga ng hotline dahil kinikilala nito ang matagal nang alam ng ating mga komunidad: na ang hate ay hindi lang tumutukoy sa limitadong legal na kahulugang nagsasabing kailangan ng pisikal na pananakit o paninira ng ari-arian,” sabi ni Catalina Velasquez, tagapagpaganap na direktor ng Washington Immigrant Solidarity Network. “Kapag ang mga pamilya ng mga imigrante na nasa aking network ay nahaharap sa verbal na panggigipit na nagdudulot sa kanila ng pangambang papasukin ang kanilang mga anak sa paaralan, kapag dumaranas ang mga transgender na may kulay o ibang lahi ng araw-araw na microaggression o bahagyang pang-aatakeng nagdudulot ng lamat sa kanilang pagkatao, kapag pinagsasabihan ang ating mga nakatatanda na ‘bumalik sila sa kanilang pinanggalingan’ — ang mga ito ay mga karahasang nakaaapekto sa ating mga materyal na kondisyon at sa ating kakayahang makapamuhay nang ligtas sa mundo. Lumilikha ang hotline ng espasyo upang maidokumento, mapaniwalaan, at matugunan ang mga karanasang ito nang may pangangalagang akma sa kultura at may kaalaman sa trauma.”
“Inaasahan ko na bibigyang-daan ng hotline ang mga biktima ng hate na maramdamang may suporta sila sa kanilang mga lokal na komunidad,” sabi ni Hershel Zellman, miyembro ng board ng Human Rights Spokane. “Inaasahan ko rin na ang mga estadistikang makakalap ng hotline ay gagamitin upang makalikha ng programa sa edukasyon at mga estratehiya sa pagpapatupad ng batas upang mabawasan ang insidente ng hate, una sa lahat.”
“Umaasa kami na magbibigay ang hotline na ito ng suportang akma sa kultura, makabubuo ito ng tiwala sa komunidad ng mga Muslim, at mahihikayat nitong magsumbong ng mga insidente ang mas marami pang miyembro ng komunidad,” sabi ni Sabrene Odeh, isang tagapagtaguyod ng usaping legal sa Council on American-Islamic Relations sa estado ng Washington. “Umaasa kami na magbibigay-daan ito sa mas mabuting pag-unawa sa Islamophobia, gagawin nitong mas tumpak ang mga programa at inisyatibang nakatuon sa komunidad sa hinaharap, at makapagbibigay ito ng suportang angkop para sa mga miyembro ng ating komunidad. Ang pagkatawan sa komunidad ng mga Muslim sa pagtataguyod at pagpapatupad ng hotline na ito ay nagbibigay-diin sa mensaheng isinasapriyoridad at pinahahalagahan ang kaligtasan ng mga Muslim.”
“Ang ating organisasyon ay isang mapagkakatiwalaang tagapaghatid ng mensahe sa komunidad na ating pinaglilingkuran,” sabi ni Momodou Jobe, direktor ng mga programa ng Washington West African Center. “Ang ating tinig ay nanggagaling sa kung ano ang sinasabi ng ating komunidad sa atin, at ang ating paglahok sa pagtataguyod ng hotline ang nagpaabot sa mga tinig ng ating komunidad.”
“Napakarami sa komunidad ng mga Jewish ang dumaranas ng mga epekto ng tumitinding antisemitism at nangangailangan ng higit pang mapagkukunan ng tulong at serbisyo,” sabi ni Miri Cypers, panrehiyong direktor ng Anti-Defamation League sa Pacific Northwest. “Mula sa mga pinakabata sa atin na nagdurusa ng bias incident sa mga paaralang K-12 hanggang sa mga institusyon sa komunidad na nahaharap sa mga pagbabanta, magbibigay ang hotline ng suportang sensitibo sa kultura.”
“Ang komunidad ng Sikh ay matibay na naninindigan para sa katarungan at pagkakapantay-pantay ng lahat,” sabi ni Jasmit Singh, tagapagpaganap na direktor ng Khalsa Gurmat Center. “Pinupuri namin ang pagtatatag ng hotline bilang napakahalagang mekanismo para sa mga taong nakaranas ng pang-aapi o hate upang maipadinig ang kanilang mga tinig at upang matugunan ang mga insidente. Binibigyang-kakayahan ng hotline na ito ang mga komunidad, at binibigyang-diin nito ang mensaheng walang lugar ang hate sa estado ng Washington.”
Para sa iba pang impormasyon tungkol sa hotline para sa mga hate crime at bias incident ng Washington, bisitahin ang atg.wa.gov/report-hate.
Mga Kahulugan
Ayon sa batas ng Washington, ang hate crime (krimeng dulot ng poot) ay tumutukoy sa pagsalakay, paninira ng ari-arian, o pagbabantang maminsala o manira ng ari-arian na ginawa dahil sa pananaw tungkol sa lahi, kulay, relihiyon, angkan, pinagmulang bansa, kasarian, seksuwal na oryentasyon, pagpapahayag o pagkakakilanlan ng kasarian, o kapansanan ng isang tao.
Ang mga bias incident (insidente ng pagkakaroon ng kinikilingan) ay mga kilos ng pang-aaping hindi itinuturing na krimen at walang sangkot na karahasan, pagbabanta, o paninira ng ari-arian. Bagaman hindi masasampahan ng kasong kriminal ang bias incident, mahalaga pa ring maisumbong ito.
-30-
Pinaglilingkuran ng Punong Abogado ng Washington ang mga tao at estado ng Washington. Bilang pinakamalaking kompanya ng abogasya sa estado, ang Attorney General’s Office ay nagbibigay ng legal na pagkatawan sa bawat ahensiya, lupon, at komisyon ng estado sa Washington. Bukod pa rito, direktang pinaglilingkuran ng Tanggapan ang mga tao sa pamamagitan ng pagpapatupad ng mga batas sa pagprotekta ng konsyumer, mga karapatang sibil, at mga batas sa pagprotekta ng kapaligiran. Ang Tanggapan ay nag-uusig din ng pang-aabuso sa mga nakatatanda, panloloko sa Medicaid, at nangangasiwa ng mga kaso ng mga taong gumagawa ng seksuwal na karahasan sa 38 mula sa 39 na county ng Washington. Bisitahin ang www.atg.wa.gov upang alamin pa ang tungkol dito.
Kontak para sa Midya:
Email: press@atg.wa.gov
Telepono: (360) 753-2727
Mga pangkalahatang kontak: I-click ito (English)
Other Languages